Ang birhen[1] o dalagang wagas[2] ay isang batang babaeng wala pang asawa, sa tuwirang pakahulugan. Subalit maaari ding tumukoy ang birhen sa isang babae o lalaking may husto nang edad subalit wala pang karanasan sa pakikipagtalik o wala pa ring asawa. Kasingkahulugan din nito ang dalaga, donselya, at birgo, bagaman may kaugnayan ang huli sa larangan ng astronomiya.[1][3] Sa malawak na pakahulugan, tumuturing din ito sa anumang bagay, katulad ng pook, na hindi pa nagagalaw o nararating ng tao; o kaya sa isang tao na wala pang karanasan hinggil sa iba pang bagay, bukod sa paksang may kaugnayan lamang sa sekswalidad. Kaugnay ng pananampalataya, madalas ding gamitin ang birhen para tukuyin ang Mahal na Birheng Maria,[1][3] at mga Kristiyanong tao, katulad ng mga madre na nanumpang panatilihin ang kanilang kawagasan ng katawan para sa mga layuning relihiyoso. Sa Bibliya, partikular na ang nasa Aklat ni Isaias (Isaias 7:14), tumutukoy ang salitang birhen sa katagang "maglalang ang birhen" sa isang kabataang babaeng wala pang asawa ngunit maaari nang mag-asawa sapagkat nasa tamang edad na. Sa kaso at hulang ng ito, si Mariang Ina ni Hesus ang birhen at si Hesus ang siyang "isisilang ng birhen. Hindi ito tumutukoy sa isang "panganganak ng isang birhen" lamang kundi sa isang normal na sitwasyon may kaugnayan sa kaganapan ng pagpapakasal at pagsisilang ng sanggol pagkaraan.[4]
Tinatawag na birhinidad, pagkabirhen, kabirhinan at pagkadonselya ang katayuan at kalagayan ng kawagasan o kapuruhan ng kalinisan ng isang tao o bagay.[1]