Ang mga banyuhing bato o batong metamorpiko (metamorphic rocks sa Ingles) ay isang uri ng mga bato na nabubuo mula sa pagbabagong-anyo ng isang orihinal na bato (na tinatawag na protolit) tungo sa isa pang anyo nang hindi sumasailalim sa pagkatunaw. Ang proseso ng pagbabagong-anyong ito na napananatili ang solidong estado nito ay tinatawa na metamorpismo. Sa prosesong ito, dahan-dahang nagbabago ang istruktura at komposisyon ng minerales na bumubuo sa bato.[1]
Karaniwang nagsisimula ang metamorpismo kapag ang protolit ay nakaranas ng temperaturang higit sa 150 hanggang 200 °C (302 hanggang 392 °F) at minimum na presyur na 100 megapascal (1,000 bar) o higit pa, na nagdudulot ng matinding pisikal o kemikal na mga pagbabago. Sa ilang limitadong kaso, tulad ng pagkakabuo ng batong serpentinayt, ang pagbaba ng presyur at temperatura ay maaaring magdulot din ng metamorpismo[2]. Ang protolit ay maaaring isang batong apuyin (igneous), batong tiningi (sedimentary), o umiiral na batong banyuhin. Maaaring mabuo ang batong banyuhin sa pamamagitan ng napakalalim na pagkakabaon ng protolit kung saan maaari nilang maranasan ang minimum na mga kalagayan para magsimula ang metamorpismo. Maaari rin silang magmula sa umpugan ng mga tektonika plaka, na lumilikha ng matinding presyur at pagkayupi. Ang presensya ng malapit na magma ay maaari ring magdulot ng metamorpismo.
Aabot sa 12% ng ibabaw ng daigdig ay binubuo ng mga banyuhing bato.[3] Pangunahing pinagbubukod-bukod ang mga batong ito ayon sa kanilang panlabas na anyo (tekstura), maging sa kanilang protolit at komposisyong kemikal at mineral. Ang pag-aaral ng mga banyuhing bato ay nagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga kalagayan sa ilalim ng balat ng daigdig.
Ilan sa mga halimbawa ng banyuhing bato ay ang nays (gneiss), sleyt (slate), marmol, shisto (schist), at kininyang o kwarsita (quartzite). Kalakhan sa mga batong ito ay ginagamit sa konstruksyon ng mga gusali[4][5][6] o bilang medium sa paglililok sa kaso ng marmol.[7] Ang pagmamapa ng mga banyuhing bato ay mahalaga sa inhenyeriyang sibil dahil maaaring makaapekto sa kaligtasan ng isang istruktura ang pagtatayo sa ibabaw ng, o malapit sa, mga batong ito.[8][9]
white marble prized for use to make sculptures.