Ang bilig[1] o embriyo (mula sa Ingles na embryo; buhat sa Griyegong ἔμβρυον [isahan] o ἔμβρυα [maramihan], literal na nangangahulugang "ang lumalaki", galing sa en- o "sa" + bryein na may ibig sabihing "mamaga, mapuno"; ang tamang isina-Latin na anyo ay embryum) ay isang multiselular o maramihang selulang diployd na eukaryotang nasa kanyang pinakamaagang yugto ng pag-unlad, magmula sa panahon ng unang paghahati ng selula hanggang kapanganakan, pagkapisa, o herminasyon (pag-usbong). Nagmumula ang bilig sa pagiging saygot o sigota muna. Naglalaman ang bilig ng payak na mga selulang kailangan sa paglikha ng isang bagay na may buhay. Naglalaman naman ang mga selulang nabanggit ng DNA na itinuturing na "pangtatag na bloke" o "pundasyong bloke" ng buhay, sapagkat parang isang mapa ang DNA na nagpapakita ng bawat isang mga katangian ng nilalang. Sa mga tao, tinatawag itong bilig o embriyo kung mula pa sa pagkakataon ng implantasyon o pagtatanim magpahanggang sa katapusan ng ika-walong linggo. Pagkaraan ng panahong ito, tatawagin na itong nabubuong sanggol o ng teknikal na pangalang fetus.