Sosyalistang Republika ng Vietnam Cộng hòa Xã hội chủ nghĩa Việt Nam (Biyetnames)
| |
---|---|
Salawikain: Độc lập – Tự do – Hạnh phúc "Kasarinlan – Kalayaan – Kaligayahan" | |
Kabisera | Hanoi 21°2′N 105°51′E / 21.033°N 105.850°E |
Pinakamalaking lungsod | Lungsod Ho Chi Minh 10°48′N 106°39′E / 10.800°N 106.650°E |
Wikang opisyal at pambansa | Biyetnames |
Katawagan | Biyetnames Viet (kolokyal) |
Pamahalaan | Unitaryong Marxista–Leninistang unipartidistang sosyalistang republika |
Tô Lâm | |
• Pangulo | Lương Cường |
Võ Thị Ánh Xuân | |
Phạm Minh Chính | |
Lehislatura | Pambansang Asembleya |
Kasarinlan mula sa Unyong Pranses | |
2 Setyembre 1945 | |
• Partisyon | 21 Hulyo 1954 |
• Reunipikasyon | 2 Hulyo 1976 |
Lawak | |
• Kabuuan | 331,344.82 km2 (127,932.95 mi kuw) (ika-66) |
• Katubigan (%) | 6.38% |
Populasyon | |
• Pagtataya sa 2023 | 100,300,000 (ika-15) |
• Senso ng 2019 | 96,208,984 |
• Densidad | 298.0/km2 (771.8/mi kuw) (ika-49) |
KDP (PLP) | Pagtataya sa 2024 |
• Kabuuan | $1.559 trilyon (ika-26) |
• Bawat kapita | $15,470 (ika-106) |
KDP (nominal) | Pagtataya sa 2024 |
• Kabuuan | $465.814 bilyon (ika-33) |
• Bawat kapita | $4,623 (ika-119) |
Gini (2020) | 36.8 katamtaman |
TKP (2022) | 0.726 mataas · ika-117 |
Salapi | Đồng (₫) (VND) |
Sona ng oras | UTC+07:00 (VST) |
Kodigong pantelepono | +84 |
Kodigo sa ISO 3166 | VN |
Internet TLD | .vn |
Ang Biyetnam (Biyetnames: Việt Nam), opisyal na Sosyalistang Republika ng Biyetnam, ay bansang matatagpuan sa Tangway ng Indotsina sa Timog-Silangang Asya. Pinapaligiran ito ng Tsina sa hilaga, Laos sa hilagang-kanluran, Kambodya sa timog-kanluran, at Dagat Timog Tsina sa silangan. Sumasaklaw ito ng lawak na 331,344 km² at may populasyon na tinatayang 100 milyon. Ang kabisera nito ay Hanoi habang ang pinakamalaking lungsod nito ay Lungsod Ho Chi Minh.
Tinahanan na ang Biyetnam mula pa sa panahong Paleolitiko, simula sa mga estado ng Van Lang at Au Lac na itinatag noong unang milenyo BK sa rehiyon ng Ilog Pula. Sa pananakop ng dinastiyang Trieu ay naipasailalim ang bansa sa higit sanlibong taon ng panlulupig ng Tsinang Imperyal mula 111 BK hanggang 938 AD. Naipanumbalik ang malayang monarkiya sa tagumpay ni Ngo Quyen sa Hilagang Han noong Labanan sa Bach Dang. Ganap itong winakasan sa pag-aalsang Lam Son kontra sa dinastiyang Ming. Inimpluwensiyahan pa rin ang Vietnam ng kulturang Tsino sa pamamagitan ng Confucianismo at Buddhismo, ngunit natutulan na nito ang mga banta ng atake mula sa hilaga habang ginapi ang Champa at nagpalawak patimog hanggang Sabangang Mekong. Sa karamihan ng ika-17 at ika-18 siglo, epektibong nahati ang bansa sa dalawang dominyon ng Dang Trong at Dang Ngoai. Pinagkaisa ang dalawa ng huling dinastiyang Nguyen noong 1802, subalit pinagsama ang teritoryo sa Indotsinang Pranses noong 1887 bilang tatlong magkakahiwalay na rehiyon. Sa pagtatapos ng okupasyong Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, inilunsad ng makabansang koalisyon na Viet Minh ang Himagsikang Agosto sa pangunguna ni Ho Chi Minh, na nagdeklara ng kasarinlan noong 1945.
Dumaan ang Biyetnam sa matagalang pakikidigma noong ika-20 siglo. Bumalik ang Pransiya upang bawiin ang kolonyal na kapangyarihan nito sa Unang Digmaang Indotsina, kung saan nagwagi ang Vietnam noong 1954. Dumulot ito sa pagganap ng Kumperensiya sa Ginebra at sa paggawa ng dalawang sonang militar na nahati sa ika-17 hilera. Humantong ang politikal na tensyon sa Digmaang Vietnam sa pagitan ng komunistang Hilaga at kapitalistang Timog. Sa pagbagsak ng Saigon noong 1975, muling nagkaisa ang bansa bilang sosyalistang estado noong 1976. Nasangkot ito muli sa bakbakan laban sa Kampuchea at Tsina bunga ng mga ideolohikal na pagkakaiba. Patuloy na humarap ng pagsubok ang Vietnam sa pagbagsak ng Unyong Sobyetiko at embargong pangkalakalan ng Estados Unidos, kaya noong 1986 ay tinahak nito ang repormistang landas sa polisiyang Doi Moi, na binago ang bansa sa isang ekonomiyang pamilihan na nakatuon sa sosyalismo. Pinadali nito ang muling pagsali ng Vietnam sa pandaigdigang larangan.
Pinapamahalaan ang Vietnam bilang unitaryong sosyalistang republika na pinamumunuan ng Partido Komunista. Itinatagurian itong bansang umuunlad, at ang ekonomiya nito'y itinala na isa sa mga pinakamabilis na lumalago sa mundo. Gayunpaman, humaharap ito ng mga suliraning panlipunan tulad ng mataas na antas ng katiwalian at mababang sukat ng mga kalayaang sibil. Bahagi ito ng mga intergubernamental at internasyonal na organisasyon kabilang ang ASEAN, EKAP, KPKTPP, OIF, POP, mga Nagkakaisang Bansa at Kilusang Di-Nakahanay.