Ang Cable News Network (CNN) ay isang multinasyunal na pambalitang estasyong kaybol na may punong-tanggapan sa Atlanta, Georgia, Estados Unidos.[2][3][4] Pagmamay-ari ito ng CNN Global, na bahagi ng Warner Bros. Discovery.[5] Itinatag ito noong 1980 ng propyetaryong Amerikanong si Ted Turner at ni Reese Schonfeld bilang isang 24-oras na himpilang pambalita sa kaybol.[6][7][8] Noong nilunsad ito noong 1980, ang CNN ay ang unang estasyong pantelebisyon na nagbigay ng 24-oras na pag-uulat ng balita[9] at ang unang estasyong pantelebisyon sa Estados Unidos na balita ang lahat ng palabas.[10]
Noong Setyembre 2018, mayroon ang CNN ng 90.1 milyong tagasubaybay (97.7% ng mga kabahayan na may kaybol).[11] Sang-ayon sa Nielsen noong Hunyo 2021, nakaranggo ang CNN sa ikatlo ayon sa bilang ng mga nanonood, pagkatapos ng Fox News at MSNBC, na may humigit-kumulang na 580,000 manonood sa buong araw, bumaba sa 49% mula sa naunang taon, sa kabila ng paghina sa mga manonood sa lahat ng mga himpilang pambalitang kaybol.[12] Habang nakaranggo ang CNN sa ika-14 sa lahat ng pangunahing himpilang kaybol noong 2019,[13][14] at pagkatapos lumundag sa ika-7 noong isang pangunahing pag-akyat ng tatlong pinakamalaking himpilang pambalitang kaybol (na kinukumpleto ang isang pagharurot ng pagranggo ng Fox News sa numero 5 at MSNBC sa numero 6 sa taon na yaon),[15] naging numero 11 ito noong 2021.[16]
Sa buong mundo, umeere ang pagproprograma ng CNN sa pamamagitan ng CNN International, na napapanood sa higit sa 212 bansa at teritoryo;[17] bagaman simula noong Mayo 2019, kinuha ng bersyong domestikong Estados Unidos ang balitang pandaigdig upang mapababa ang gastos sa pagproprograma. Mayroon din sa Canada at ilang mga pulo sa Karibe at sa bansang Hapon ang bersyong Amerikano na tinutukoy minsan bilang CNN (US).[18]
Nilunsad ang bersyong Pilipino, ang CNN Philippines noong Marso 16, 2015.[19]