Ang eksperimento ay isang sistematikong pamamaraan upang patunayan, pabulaanan, o pagtibayin ang kawastuhan ng isang palagay. Ang mga eksperimento ay nagbibigay ng kaliwanagan sa mga sanhi at bunga sa pamamagitan ng pagpapakita ng resulta kapag ang isang partikular na salik ay naimpluwensyahan. Ang mga eksperimento ay nagkakaiba-iba sa kanilang mga layunin at antas, ngunit pare-parehas na gumagamit ng mga prosesong maaaring ulitin at mga lohikal na pagsusuri ng resulta. Mayroon ding mga pag-aaral sa mga likas na eksperimento.
Ang isang bata ay maaaring magsagawa ng isang payak na eksperimento upang maunawaan ang grabidad, habang ang mga siyentipiko naman ay maaring magsiyasat upang mapalawak ang pag-intindi sa isang hindi pangkarawinang bagay. Ang mga eksperimento at iba pang gawaing katulad nito ay mahalaga sa pag-aaral ng agham sa loob ng silid-aralan. Maaari nitong pataasin ang marka sa mga pagsusulit at nakatutulong din sa pagyabong ng interes ng mga mag-aaral sa kanilang mga aralin, lalo na kapag nagamit nang matagalan. Mayroong iba’t ibang uri ng eksperimento; mula sa mga personal at impormal na paghahambing (halimbawa: pagtikim ng iba't ibang tsokolate upang mahanap ang paborito), hanggang sa mga masinsinang kinokontrol (hal. mga pag-aaral na nangangailangan ng komplikadong kasangkapan na pinangangasiwaan ng mga siyentipikong naghahangad na makatuklas ng impormasyon tungkol sa mga subatomikong partikula). Ang gamit ng mga eksperimento ay nagkakaiba sa pagitan ng natural at pantaong agham.
Karaniwang kasama sa eksperimento ang mga kontrol na idinesenyo upang mabawasan ang epekto ng mga baryante (variables) maliban sa iisang baryanteng malaya. Dahil dito higit na mas maaasahan ang mga magiging resulta sa pamamagitan ng paghahambing ng kontrol at iba pang mga sukat. Ang mga kontrol ay bahagi ng siyentipikong pamamaraan. Mas mainam sa isang eksperimento kung lahat ng baryante ay kontrolado. Sa ganitong klase ng ekperimento, kung lahat ng kontroladong baryante ay gumana katulad ng inaasahan, maaaring sabihin na ang eksperimento ay umaayon sa layunin nito at ang mga resulta ay dahil sa epekto ng variable na sinusuri.