Estados Unidos ng Amerika United States of America (Ingles)
| |
---|---|
Salawikain: In God We Trust "Sa Diyos Kami'y Tumitiwala" | |
Ang 50 estado ng Estados Unidos (lunti). Ang pangunahing teritoryo ng Estados Unidos ng Amerika (lunti) at mga kasakupan nito. | |
Kabisera | Washington, D.C. 38°53′N 77°01′W / 38.883°N 77.017°W |
Pinakamalaking lungsod | Lungsod ng Bagong York 40°43′N 74°00′W / 40.717°N 74.000°W |
Wikang opisyal at pambansa | Ingles (de facto) |
Katawagan |
|
Pamahalaan | Pampanguluhang republikang pederal |
• Pangulo | Joe Biden |
Kamala Harris | |
Lehislatura | Congress |
• Mataas na Kapulungan | Senate |
• Mababang Kapulungan | House of Representatives |
Kasarinlan mula sa Dakilang Britanya | |
4 Hulyo 1776 | |
3 Setyembre 1783 | |
21 Hunyo 1788 | |
Lawak | |
• Areang kabuuan | 3,796,742 mi kuw (9,833,520 km2) (ika-4 o ika-3 batay sa sanggunian) |
• Katubigan (%) | 4.66 |
• Areang lupain | 3,531,905 mi kuw (9,147,590 km2) (ika-3) |
Populasyon | |
• Pagtataya sa 2021 | 331,893,745 |
• Senso ng 2020 | 331,449,281 (ika-3) |
• Densidad | 87/mi kuw (33.6/km2) (ika-185) |
KDP (PLP) | Pagtataya sa 2022 |
• Kabuuan | $25.35 trilyon (ika-2) |
• Bawat kapita | $76,027 (ika-9) |
KDP (nominal) | Pagtataya sa 2022 |
• Kabuuan | $25.35 trilyon (ika-1) |
• Bawat kapita | $76,027 (ika-8) |
Gini (2020) | 48.5 mataas |
TKP (2019) | 0.926 napakataas · ika-17 |
Salapi | Dolyar ng Estados Unidos ($) (USD) |
Sona ng oras | UTC−4 hanggang −12, +10, +11 |
• Tag-init (DST) | UTC−4 hanggang −10 |
Ayos ng petsa | mm/dd/yyyy |
Gilid ng pagmamaneho | kanan |
Kodigong pantelepono | +1 |
Kodigo sa ISO 3166 | US |
Internet TLD | --> |
Ang Estados Unidos (Ingles: United States), opisyal na Estados Unidos ng Amerika, dinadaglat na EU/EUA (Ingles: US/USA), at karaniwang tinatawag na Amerika (Ingles: America), ay bansang transkontinental na pangunahing matatagpuan sa Hilagang Amerika. Hinahangganan ang 48 estado at distritong pederal nito ng Kanada sa hilaga at Mehiko sa timog. Makikita ang Alaska sa sukdulang hilagang-kanluran ng Hilagang Amerika na katabi ng Kanada sa silangan at nahihiwalay sa Rusya sa kanluran sa Kipot ng Bering; ang Hawai ay isang kapuluang Polinesyo na nasasagitna sa Karagatang Pasipiko at ang tanging estado na wala sa Kaamerikahan. Nagbabahagi ang bansa ng mga limitasyong maritimo sa Bahamas, Kuba, Rusya, Reyno Unido, Republikang Dominikano, Kapuluang Cook, Samoa, at Niue. Sumasaklaw ng mahigit 9,833,520 kilometrong kuwadrado (3,531,905 milyang kuwadrado) at mayroong higit 331 milyong naninirahan, ito ang ikaapat na pinamalaking bansa ayon sa panlupaing lawak, ikalima ayon sa magkaratig na lawak, at ikatlo ayon sa kabuuang lawak at populasyon. Itinatagurian na panlusaw na palayok ng mga kalinangan at etnisidad, hinubog ang populasyon nito ng ilang siglo ng imigrasyon. Mayroon itong lubos na dibersong klima at heograpiya, at kinikilala bilang isa sa 17 ekolohikal na bansang megadiberso. Ang kabiserang pambansa nito ay Washington, D.C. habang ang pinakamalaking lungsod at sentrong pampananalapi nito'y Lungsod ng Bagong York.
Ang mga Paleo-Indians ng Siberia ay nandayuhan sa Hilagang Amerika 12,000 taon na ang nakalilipas. Nagsimula ang pananakop ng mga Europeo noong ika-16 na siglo. Nabuo ang Estados Unidos mula sa 13 kolonyang Britano na itinatag sa Silangang Baybayin. Ang pakikipagtalo hinggil sa pagbubuwis at pamamahala ng Gran Britanya ay nagbunsod sa American Revolutionary War (1775-1783), na nagpangyaring makamit ng bansa ang kalayaan. Sa huling bahagi ng ika-18 siglo, lalo pang lumawak ang nasasakupan ng Estados Unidos habang unti-unting nag-aangkin ng mga teritoryo, kung minsan sa pamamagitan ng digmaan na nagtaboy sa maraming katutubong Amerikano, at naitatatag ang mga bagong estado. Pagsapit ng 1848, nasakop na ng Estados Unidos ang Hilagang Amerika hanggang sa kanluran. Naging legal ang pang-aalipin sa timugang Estados Unidos hanggang noong ika-19 na siglo, nang buwagin ito ng Digmaang Sibil ng Amerika.
Pagsapit ng dekada 1890 ay naitala ang ekonomiya ng Estados Unidos bilang pinakamalaki sa mundo, at kinumpirma ng Digmaang Espanyol-Amerikano at Unang Digmaang Pandaigdig ang katayuan nito bilang kapangyarihang militar. Sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay lumabas ang bansa bilang unang estadong nukleyar at isa sa dalawang pinakamakapangyarihang bansa kasama ang Unyong Sobyetiko. Nasangkot ang dalawang estado sa isang tunggalian noong Digmaang Malamig para sa ideolohikong pangingibabaw, partikular na makikita sa Digmaang Koreano at Digmaang Biyetnamita, ngunit pareho nilang iniwasan ang direktang labanang militar. Nakipagkompitensya rin sila sa Karerang Pangkalawakan, na nagtapos sa Amerikanong pangkalawakang paglipad ng 1969 na ipinadala ang mga tao sa Buwan sa unang pagkakataon. Kasabay nito, humantong ang kilusang pangkarapatang sibil sa pagbabawal sa diskriminasyong panlahi laban sa mga Aprikanong Amerikano. Nagwakas ang Digmaang Malamig sa pagkabuwag ng URSS noong 1991, na iniwan ang EUA bilang nag-iisang superpotensyang internasyonal. Sa ika-21 dantaon, nagresulta ang mga pag-atake noong 11 Setyembre 2001 sa paglunsad ng bansa ng digmaan laban sa terorismo, na kinabibilangan ng Digmaan ng Apganistan (2001–2021) at Digmaan ng Irak (2003–2011). Ang pagsibol ng Tsina at pagbabalik ng Rusya sa pandaigdigang politika ay nagdulot ng mga tensyon sa pagitan ng mga bansa na kung minsa'y tinatawag na Ikalawang Digmaang Malamig.
Isang republikang pederal, binubuo ang EU ng tatlong magkakahiwalay na sangay ng pamahalaan at lehislaturang bikameral. Pinapatakbo sa ilalim ng demokrasyang liberal at ekonomiyang pampamilihan, nagraranggo ito ng mataas sa mga pandaigdigang sukat ng karapatang pantao, kalidad ng buhay, kita at yaman, ekonomikong pagkakakompitensya, at edukasyon. Gayunpaman, pinapanatili ng bansa ang parusang kamatayan, wala ng pangkalahatang pangangalagang pangkalusugan, at mayroong mataas na antas ng pagkakabilanggo at kawalan ng pagkakapantay-pantay. Ang pangunahing industriyal at kapitalistang puwersa sa planeta, isa ito sa mga namumuno ng makaagham na pananaliksik at pagbabagong teknolohikal. Ito ang pinakamalaking ekonomiya ayon sa nominal na KDP at ikalawa ayon sa KDP batay sa KLP. Sa halaga, ito ang pinakamalaking nag-aangkat at ikalawang pinakamalaking nagluluwas ng mga kalakal. Bagama't bumubuo ng halos 4.2% lamang ng kabuuang pandaigdigang populasyon, hawak ng bansa ang higit 30% ng kayamanan sa mundo, ang pinakamalaking bahaging taglay ng alinmang bansa. Isa itong kasaping tagapagtatag ng OEA, PMI, OTHA, Bangkong Pandaigdig, at mga Nagkakaisang Bansa, kung saan naglilingkod ito bilang panatilihang miyembro ng Konsehong Pangkatiwasayan nito. Gumagastos ng katumbas ng halos dalawang-ikalima ng pandaigdigang paggastang pangmilitar, nagtataglay ito ng ikatlong pinakamalaking hukbo sa mundo. Nangunguna ang EUA sa mga larangan ng politika, kalinangan, at agham sa Daigdig.