Ang artikulong ito ay nangangailangan ng mas marami pang mga kawing sa iba pang mga lathalain upang matugunan ang mga pamantayan pangkalidad ng Wikipedia. (Enero 2014) |
Ang Gawad Urian ay ang parangal na ibinibigay ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino para suriin ang mga pelikulang Pilipino, pasiglahin ang diyalogo ng mga manonood at ng industriya ng pelikula, pag-aralan ang mga tunguhing makapagpapahusay sa pelikula, at linangin ang kaalaman sa tungkulin ng pelikula bilang medyum ng ekspresyon at komunikasyon, ayon sa mga kondisyon ng paggawa ng pelikula sa ating bayan. Ito ang katugma ng New York Film Critics' Circle Award sa Amerika.
Ang Manunuri ng Pelikulang Pilipino ay binubuo ng mga manunulat at kritikong pampelikula na naglalayong itaas ang kalidad ng pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng pagsusuri at paggagawad ng Gawad Urian sa mga pelikulang karapat-dapat gawaran.
Ang Manunuri ng Pelikulang Pilipino ay itinatag noong 1 Mayo 1976, tatlong taon matapos anyayahan ng mga bumubuo ng FAMAS ang ilang kritiko para maupo bilang mga hurado sa pamimili ng mga gagawaran ng Gawad FAMAS noong 1974. Nang maitatag ang MPP noong 1976, nagkaroon na ng isa pang tagapaggawad parangal ang Pilipinas bukod sa FAMAS.
Ang pagbibigay ng Gawad Urian ay base sa pamantayan na ginawa ng mga manunuri upang makilatis ang mga pelikula base sa kanilang makasining at malikhaing pagkakagawa.
Ang Gawad Urian ay ibinibigay sa labintatlong kategorya: Pinakamahusay na Pelikula, Pinakamahusay na Direksiyon, Pinakamahusay na Dulang Pampelikula, Pinakamahusay na Pangunahing Aktor, Pinakamahusay na Pangunahing Aktres, Pinakamahusay na Pangalawang Aktor, Pinakamahusay na Pangalawang Aktres, Pinakamahusay na Direksiyong Pamproduksiyon, Pinakamahusay na Sinematograpiya, Pinakamahusay na Editing, Pinakamahusay na Tunog, Pinakamahusay na Musika at Pinakamahusay na Maikling Pelikula.
Bukod sa Gawad Urian, iginagawad din ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino ang Natatanging Gawad Urian sa mga artisan at artista na nagpakita ng sining at kagalingan sa pagtataguyod ng pelikulang Pilipino. Iginawad din ng MPP ang Ginintuang Gawad Urian noong 1992.
Ito ang mga nanalo sa Gawad Urian simula noong 1976 hanggang sa kasalukuyan: