Nagsimula ang isang kudeta sa Myanmar noong umaga ng Pebrero 1, 2021, nang napatalsik ang mga demokratikong nahalal na kasapi ng namumunong partido ng bansa, ang Pambansang Liga para sa Demokrasya, ng Tatmadaw—militar ng Myanmar—na nagkaroon ng kapangyarihan sa pamamagitan ng isang estratokrasiya. Nagproklema ang Tatmadaw ng isang taon na estado ng emerhensiya at dineklera ang paglipat ng kapangyarihan sa Pinunong Kumander ng Serbisyong Depensa na si Min Aung Hlaing. Dineklerang inbalido ang resulta ng pangkalahatang halalan noong Nobyembre 2020 at sinaad ang intensyon na ganapin ang isang bagong eleksyon sa katapusan ng estado ng emerhensiya kahit na nalulugod ang karamihan ng sambayanang Myanmar sa kinalabasan ng eleksyon.[2][3] Naganap ang kudeta isang araw bago ang nakatakdang panunumpa sa Parliyamento ng Myanmar ng mga nahalal na kasapi nito noong eleksyon 2020, sa gayong paraan, pinipigil ito na maganap.[4][5][6] Nakulong ang Pangulong Win Myint at Tagapayo ng Estado na si Aung San Suu Kyi, kasama ang mga ministro, ang kanilang diputatdo at kasapi ng Parliyamento.[7][8]
Noong Pebrero 3, 2021, sinampahan si Win Myint ng paglabag sa mga patnubay sa kampanya at restriksyon sa pandemya ng COVID-19 sa ilalim ng seksyon 25 ng Batas ng Pamamahala ng Likas na Sakuna. Sinampahan si Aung San Suu Kyi ng paglabag sa mga batas emerhensiya ng COVID-19 at para sa iligal na pag-angkat at paggamit ng mga kagamitang radyo at komunikasyon, partikular ang anim na kagamitang ICOM mula sa kanyang pangkat seguridad at isang walkie-talkie, na pinaghihigpitan sa Myanmar at kailangan ng permiso mula sa mga ahensyang may kaugnayan sa militar bago ito makuha.[9] Pareho silang kinulong bago maumpisahan ang paglilitis sa loob ng dalawang linggo.[10][11][12] Nagkaroon ng karagdagang kriminal na kaso si Suu Kyi sa paglabag ng Batas ng Pambansang Sakuna noong Pebrero 16,[13] at karagdagang dalawa pang kaso para sa paglabag sa mga batas ng komunikasyon at isa pang kaso sa hangarin na pukawin ang publikong kaguluhan noong Marso 1 at isa pa sa paglabag sa batas ng opisyal na mga lihim noong Abril 1.[14][15]
Magmula noong 12 Abril 2021 (2021 -04-12)[update], hindi bababa sa 707 sibilyan, kabilang ang mga bata, ang napatay ng puwersang militar o pulis at hindi bababa sa 3,070 tao ang nakulong.[16][17][18] Tatlong prominenteng kasapi ng Pambansang Liga para sa Demokrasya ang namatay habang nasa kustodiya ng pulis noong Marso 2021.[19][20]