Ang midyang pangmasa o midyang panlahat (Ingles: mass media) ay kinabibilangan ng iba't ibang midya na naabot ang malaking madla sa pamamagitan ng komunikasyong panlahat.
Elektronikong naghahatid ng impormasyon ang midyang brodkast o midyang pagsasahimpapawid sa pamamagitan ng midya tulad ng mga pelikula, radyo, musikang ni-rekord, o telebisyon. Binubuo ang midyang dihital ng parehong Internet at mobile na komunikasyong panlahat. Binubuo ang midyang Internet ng mga serbisyo tulad ng email, mga sayt para sa hatirang pangmadla, mga websayt, at radyo at telebisyon na nasa Internet. Maraming ibang sangay ng midyang panlahat ang mayroong karagdagang presensya sa web, sa pamamagitan ng mga kaparaanang tulad ng pagli-link sa o pagpapatakbo ng mga patalastas pantelebisyon sa online, o pamamahagi ng mga kodigong QR na nakikita sa labas o midyang imprenta upang idirekta ang mga tagagamit ng mobile sa isang websayt. Sa paraang ito, madali nilang mapapasok at maabot ang mga kakayahan na inaalok ng Internet, sa gayon, madaling i-brodkast ang impormasyon sa maraming iba't ibang rehiyon ng mundo ng sabay-sabay at menus-gastos. Nagpapadala ang midyang panlabas na nagpapadala ng impormasyon sa pamamagitan ng midya tulad ng pagpapatalastas gamit ang AR; mga paskilan (o billboard); mga blimp; mga lumilipad na paskil (mga karatula na hila-hila ng mga eroplano); plakard o kiyosko na nakalagay sa loob at labas ng bus, gusaling komersyal, tindahan, istadyum pampalakasan, bagon ng subway o tren; mga karatula; o pagsusulat sa langit.[1] Nagpapadala ng impormasyon ang midyang imprenta sa pamamagitan ng mga bagay na pisikal, tulad ng aklat, komiks, magasin, pahayagan, o polyeto.[2] Tinuturing din ang pag-organisa ng kaganapan at pagtatalumpating pampubliko na mga anyo ng midyang panlahat.[3]
Ang mga organisasayon na kinokontrol ang mga teknolohiyang ito, tulad ng mga istudiyong pampelikula, at mga himpilan ng radyo at telebisyon, ay kilala din bilang midyang panlahat.[4][5]