Sa lingguwistika, ang palaugnayan, sintaksis o sintaks ay ang sangay ng balarila na tumatalakay sa masistemang pagkakaayus-ayos ng mga salita sa pagbuo ng mga parirala at pangungusap.[1] Nagmula ang salitang sintaks sa Ingles na syntax na nagmula naman sa Sinaunang wikang Griyegong σύνταξις "pagkakaayos" mula sa σύν syn, "magkasama", at τάξις táxis, "isang pagsusunud-sunod"). Ito ang pag-aaral ng mga prinsipyo at mga patakaran sa pagbubuo ng mga pangungusap sa loob ng likas na mga wika. Maaari ring tumukoy ang salitang palaugnayan sa mismong mga batas o patakaran, katulad ng "palaugnayan ng isang wika". Ang makabagong pananaliksik sa palaugnayan ang sumusubok na ilarawan ang mga wika ayon sa ganitong mga panuntunan, at, para sa maraming mga tagapagsagawa, upang makahanap ng pangkalahatang mga patakarang magagamit sa lahat ng mga wika.