Ang Palítang Kolumbiyano o ang Dakilang Palítan ay ang malawakang paglilipat ng mga hayop, halaman, kultura, populasyon ng tao, teknolohiya, at mga ideya sa pagitan ng hating-globo ng Kaamerikahan at Apro-Eurasya noong ika-15 at ika-16 na siglo, may kinalaman ito sa Europeong Kolonisasyon at kalakalan matapos ang paglalayag ni Christopher Columbus noong 1492.[1] Bamaga't hindi intensiyonal, ang mga nakakahawang sakit ay isa sa mga kaakibat na produkto ng palítan.
Ang pakikisama sa pagitan ng dalawang lugar ay nagpalaganap ng iba't ibang uri ng bagong pananim at paghahayupan, na sumuporta sa tumataas na populasyon sa dalawang hating-globo, bagaman ang mga sakít ay nagdulot ng matinding pagbabâ ng bílang ng mga katutubong tao ng Kaamerikahan. Ang mga mangangalakal ay bumalik sa Europa na may dalang mais, patatas, at kamatis, na naging mga mahalagang pananim sa Europa noong ika-18 na siglo. Pinakilala rin ng mga Europeo ang kasaba at mani sa tropikal na Asya at Kanlurang Aprika, kung saan pinayabong nila ang lupa nito na dáting walang kakayahang mamunga nang marami.
Ang terminong ito ay unang ginamit noong 1972 ng Amerikanong historyador na si Alfred W. Crosby sa kaniyang kasaysayang pangkalikasang aklat na The Columbian Exchange.[2] Ito ay mabilis na hinalaw ng mga iba pang histroyador at mamamahayag at naging sikát na ito.