Ang Pamantayang Oras ng Pilipinas (Ingles: Philippine Standard Time, dinadaglat bilang PST) o, sa paraang 'di-opisyal, ang Oras ng Pilipinas (Ingles: Philippine Time, dinadaglat bilang PHT), ay ang pangalang ginagamit sa Pilipinas upang mailarawan ang lokasyon nito sa mga sona ng oras ng daigdig. Ang modernong Pamantayang Oras ng Pilipinas ay itinatag sa pamamagitan ng Batas Pambansa Blg. 8, ang batas na nagbibigay-katuturan sa sistemang metriko, na inapruba noong Disyembre 2, 1978 at ipinatupad noong Enero 1, 1983.
Sa heograpiya, nakalagay ang Pilipinas sa pagitan ng 116° 40' at 126° 34' kanluran ng Punong Meridyano (Prime Meridian), at dahil dito, nasa loob ito ng UTC+8 na sona ng oras. Pinapanatili ng Pangasiwaan ng Palingkurang Atmosperiko, Heopisikal at Astronomiko ng Pilipinas, o PAGASA, ang Pamantayang Oras ng Pilipinas.
Noong dekada '90, dahil sa madalas na kawalan ng kuryente, ipinatupad ang oras ng tag-init (summer time o daylight saving time). Habang patuloy na gumaganda ang kalagayan ng mga sistemang pantransmisyon at pansuplay ng kuryente, pinawalang-bisa ang oras ng tag-init, at kasalukuyang hindi ito ginagamit.