Ang sistemang panunaw o sistemang dihestibo (Ingles: digestive system) ay ang organong pangsistema na tumutunaw at sumisipsip sa mga sustansiya na natatanging kailangan sa paglaki at pagpapanatili. Kabilang sa sistemang panunaw ang bibig, esopago, sikmura, lapay, atay, apdo, duodenum (ang tokong), hehunum, ileum, mga bituka, tumbong, at butas ng puwit. Kaugnay ng sistemang ito ang katagang gastrointestinal na tumutukoy o may kaugnayan sa pitak gastrointestinal (gastrointestinal tract sa Ingles) o pitak panunaw (digestive tract sa Ingles, ang dihestibong pitak) at kinabibilangan din ng tokong, isaw, at mga bituka.[1]
Ang kanal na alimentaryo (Ingles: alimentary canal, alimentary tract), na mayroong teknikal na pangalang tubus digestorius (tubong panunaw), ay ang tubong dihestibo na umaabot mula sa bibig hanggang sa butas ng puwit. Ang pangalan nito ay nagpapahiwatig din sa mga glandulang nagbubuhos ng kanilang mga katas papaloob sa kanal, partikular na ang mga glandulang panglaway (glandulang salibaryo), ang pankreas, at ang atay.[2]