Ang tinig o boses ng tao ay binubuo ng tunog na gawa ng isang tao na ginagamit ang mga tuping pantinig o luping pamboses para sa pagsasalita o pakikipag-usap, pag-awit o pagkanta, pagtawa o paghalakhak, pag-iyak, pagsigaw o paghiyaw, at iba pa. Tiyakan itong bahagi ng paggawa o produksiyon ng tunog mula sa tao kung saan ang mga tuping pamboses o luping pantinig (kuwerdas na pantinig o kuwerdas na pamboses) ay ang pangunahing pinagmumulan ng tunog. Sa pangkalahatan, ang mekanismo sa paggawa ng tinig ng tao ay mahahati-hati sa tatlong mga bahagi; ang mga baga, mga tuping pantinig sa loob ng babagtingan, at ang mga artikulador o pang-artikula. Ang mga baga (pambomba) ay dapat na makagawa ng sapat na daloy ng hangin at presyon ng hangin upang tumunog o kumalog ang mga luping pantinig (ang presyong ito ng hangin ay ang panggatong ng tinig). Ang mga kuwerdas ng boses o mga tupi ng tinig ay isang balbulang nagpapakalog na nagtatadtad o nagtitilad ng daloy ng hangin mula sa mga baga upang maging mga naririnig na pulsong humuhubog sa pinagmumulang tunog sa babagtingan. Ang mga masel ng babagtingan ang nag-aayos ng haba at tensiyon ng mga luping panting upang mapino ang tono at ang kasagsagan o kasidhian. Ang mga artikulador (mga bahagi ng bungkos na pantinig na nasa ibabaw o itaas ng babagtingan na binubuo ng dila, malambot na ngala-ngala, mga pisngi, mga labi, at iba pa) ang nag-aartikula at nagsasala ng tunog na nagmumula sa babagtingan at sa ilang antas ay maaaring makipag-ugnayan sa daloy ng hangin sa babagtingan upang mapalakas ito at mapahina ito bilang pinagbubuhatan o pinanggagalingan ng tunog.
Ang mga tuping pantinig, kasama ng mga artikulador, ay may kakayahang gumawa ng ng napakamasalimuot na mga hilera o hanay ng mga tunog.[1][2][3] Ang tono ng tinig ay maaaring ilapat upang magmungkahi ng damdamin katulad ng galit, pagkagulat, o kasiyahan.[4][5] Ginagamit ang mga mang-aawit o mga manganganta ang tinig bilang isang instrumento para sa paglikha ng tugtugin o musika.[6]