Ang turismo ay isang mahalagang sektor para sa ekonomiya ng Pilipinas. Nag-ambag ang industriya ng paglalakbay at turismo ng 8.6% sa Kabuuang Domestikong Produkto (Gross Domestic Product o GDP) ng bansa noong 2023; mas mababa ito kaysa sa 12.7% na naitala noong 2019 bago ang pumutok ang pandemyang COVID-19 na nagdulot ng pagsasara o lockdown. Bumubuo ang turismo sa baybayin, na sumasaklaw sa mga aktibidad sa dalampasigan at pagsisid, ng 25% ng kita ng turismo ng Pilipinas, na nagsisilbing pangunahing pinagkukunan ng kita ng sektor na ito.[1] Kabilang sa mga sikat na destinasyon sa mga turista ang Boracay, Palawan, Cebu at Siargao. Habang nakatagpo ang Pilipinas ng mga hamong pampolitika at panlipunan na nakaapekto sa industriya ng turismo, gumawa din ang bansa ng mga hakbang upang matugunan ang mga isyung ito.[2] Sa nakalipas na mga taon, may mga pagsisikap na pahusayin ang katatagan ng politika, pahusayin ang mga hakbang sa seguridad, at isulong ang pagiging inklusibo sa lipunan, na nakakatulong lahat sa paglikha ng mas kanais-nais na kapaligiran para sa turismo, tulad ng rehabilitasyon ng Boracay.[3]
Noong 2023, 6.21 milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa industriya ng turismo at noong Setyembre 2023, nakagawa ang Pilipinas ng ₱316.9 bilyon na kita mula sa mga turista, karamihan ay nagmumula sa Timog Korea, Estados Unidos at Hapon.[4] Umakit ang bansa ng kabuuang 5,360,682 dayuhang bisita noong 2015.[5] Noong 2019, umakyat ang mga dayuhang dumating sa 8,260,913.[6]
Tahanan ang bansa sa isa sa New 7 Wonders of Nature (Bagong 7 Kahanga-hanga sa Kalikasan), ang Pambansang Liwasang Ilog sa Ilalim ng Lupa ng Puerto Princesa, at isa sa New 7 Wonders Cities (Bagong 7 Kahanga-hangang Lungsod), ang Pamanang Lungsod ng Vigan. Tahanan rin ito rin ng anim na Pandaigdigang Pamanang Pook ng UNESCO na nakakalat sa siyam na magkakaibang lokasyon, tatlong mga reserbang biyospera ng UNESCO, tatlong di-nahahawakang pamanang pangkalinangan ng UNESCO, apat na memorya ng pandaigdigang pamanang dokumentaryo ng UNESCO, tatlong malikhaing lungsod ng UNESCO, dalawang Pandaigdigang Pamanang lungsod, pitong lugar na basang-lupain (o wetland) ng Ramsar, at walong Pamanang Liwasan ng ASEAN.[7]
Lubhang naapektuhan ang industriya ng turismo sa panahon ng pandemya ng COVID-19, nang bumaba ang mga turistang dumating sa 1.48 milyon lamang noong 2020 dahil sa mga lockdown o pagsasara na nauugnay sa pandemya na pinatupad ng pamahalaan upang makontrol ang pagkalat ng bayrus,[8] at nang sinalanta ng Super Bagyong Odette ang turismo na umaasa malalayong isla, kabilang ang Siargao, sa gitna at timog Pilipinas noong Disyembre 2021.[9] Muling binuksan ang bansa sa mga internasyonal na turista simula Pebrero 10, 2022, pagkatapos ng halos dalawang taong pagsasara ng hangganan dahil sa pandemyang COVID-19.[10]