Vladimir Ilyich Lenin | |
---|---|
Владимир Ильич Ленин | |
Ika-1 Tagapangulo ng Konseho ng mga Komisaryong Bayan ng Unyong Sobyetiko | |
Nasa puwesto 6 Hulyo 1923 – 21 Enero 1924 | |
Sinundan ni | Aleksei Rykov |
Ika-1 Tagapangulo ng Konseho ng mga Komisaryong Bayan ng SPSR ng Rusya | |
Nasa puwesto 8 Nobyembre 1917 – 21 Enero 1924 | |
Sinundan ni | Aleksei Rykov |
Personal na detalye | |
Isinilang | Vladimir Ilyich Ulyanov Владимир Ильич Ульянов 22 [L.I. 10] Abril 1870 Simbirsk, Imperyong Ruso |
Yumao | 21 Enero 1924 Gorki, Unyong Sobyetiko | (edad 53)
Himlayan | Mausoleo ni Lenin, Mosku |
Partidong pampolitika | PCR(b) (1918-1924) POSDR(b) (1903-1918) |
Ibang ugnayang pampolitika | POSDR (1898-1903) LPEUM (1895–1898) |
Asawa | Nadezhda Krupskaya (1898-1924) |
Magulang |
|
Alma mater | |
Pirma | |
|
Si Vladimir Ilyich Ulyanov (Abril 22, 1870 – Enero 21, 1924), mas kilala sa kanyang alyas na Lenin, ay Rusong politiko, pilosopo, estadista, at manghihimagsik na naglingkod bilang unang pinunong tagapagtatag ng Sobyetikong Rusya mula 1917, at sa kalauna'y ng Unyong Sobyetiko noong 1922 hanggang 1924. Hinawakan niya ang pangunahing posisyong Tagapangulo ng Konseho ng mga Komisaryong Bayan, dinadaglat sa Ruso na Sovnarkom. Sa ilalim ng kanyang administrasyon, pinamahalaan ang bansa na unipartidistang sosyalistang estado sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista. Ang kanyang mga pag-unlad sa teoryang Marxismo ay tinatawag na Leninismo.
Ipinanganak si Lenin sa Simbirsk sa isang pamilya mula sa uring gitnang itaas. Tinanghal niya ang insureksyonista at sosyalistang politika kasunod ng pagbitay sa kanyang kuya noong 1887. Pinalayas siya mula sa Pamantasang Imperyal ng Kazan dahil sa pakikilahok sa mga protestang kontra-Tsar, at nagsumikap sa mga sumunod na taon upang magkaroon ng titulong pambatas. Lumipat siya sa San Petersburgo noong 1893 at naging Marxistang aktibista. Inaresto siya noong 1897 dahil sa sedisyon at ineksilya sa Siberya nang tatlong taon kung saan pinakasalan niya ang guro at kapwa niyang kasama na si Nadezhda Krupskaya. Pagkatapos ng kanyang destyero ay naglakbay siya sa Kanlurang Europa at naging prominenteng teorista ng Partido Obrero Sosyal-Demokratiko ng Rusya. Sa panahon ng ideolohikong paghihiwalay sa POSDR noong 1903 ay pinamunuan niya ang paksyong Bolshebista laban sa grupong Menshebista ni Yuli Martov. Kasunod ng nabigong Himagsikang Ruso ng 1905 ay nangampanya siya na gawin ang Unang Digmaang Pandaigdig na proletaryong pag-aalsa sa buong Europa, na pinaniwalaan niyang magdudulot sa pagbagsak ng kapitalismo sa kontinente at paglilipat sa sosyalismo. Pagkatapos ng Himagsikang Pebrero noong 1917 na pinatalsik si Nicolas II at binuwag ang Imperyong Ruso ay itinatag ang Pamahalaang Probisyonal na naglunsad ng serye ng mga repormang liberal. Nagpatuloy pa rin ang kaguluhan, at bumalik si Lenin sa Rusya upang gumanap ng nangungunang papel sa Himagsikang Oktubre kung saan nilansag ng mga Bolshebista ang bagong rehimen.
Noong una ay nagbahagi ang goberyno ni Lenin ng kapangyarihan sa mga Makakaliwang Sosyalista-Rebolusyonaryo, inihalal na sobyetiko, at isang multipartidistang Asembleyang Konstituyente, ngunit noong 1918 ay naisentralisa na ang pamumuno sa bagong Partido Komunista. Nagsagawa ito ng mga reporma tulad ng muling pagbabahagi ng lupain sa uring magbubukid at pagsasabansa ng mga bangko at malaking industriya. Hinarap ng pagsasalakay ng Imperyong Aleman, nilagdaan ni Lenin ang pangkapayapaang Tratado ng Brest-Litovsk na nagbigay teritoryo sa Kapangyarihang Sentrales at humantong sa pag-alis ng Rusya sa gera. Itinatag niya ang Komunistang Internasyonal noong 1919 na itinaguyod ang konsepto ng pandaigdigang himagsikan. Tinalo ng kanyang pangasiwaan ang mga makakana't kaliwang hukbong kontra-Bolshebista sa Digmaang Sibil sa Rusya at pinangasiwaan ang Digmaang Polako–Sobyetiko noong 1919–1921. Sinupil din nito ang mga kalaban ng estado sa Pulang Sindak, isang marahas na kampanyang inilunsad ng mga awtoridad kung saan libu-libo ang pinatay o ikinulong sa mga kampong piitan. Tinugon ni Lenin ang taggutom, pagkawasak sa digmaan, at mga tanyag na rebelyon sa paglunsad ng Bagong Polisiyang Pang-ekonomiya, isang sistema ng pang-estadong kapitalismo na nagpasimuno ng industriyalisasyon at postgerang restorasyon. Pinagsama ang Ukranya, Biyelorusya, at Transkaukasya sa bagong Unyong Sobyetiko noong 1922. Tuluyang nanghina sa kalusugan, namatay si Lenin sa Gorki noong 1924, at hinalinhan siya ni Iosif Stalin bilang nakatataas na mamumuno sa pamahalaan.
Malawakang itinuturing na isa sa mga pinakamahalaga at maimpluwensyang tao ng ika-20 dantaon, naging postumong paksa si Lenin ng laganap na kulto ng personalidad sa loob ng USSR hanggang sa pagkabuwag nito noong 1991. Nagbigay-daan ang Leninismo sa iba't ibang paaralan ng kaisipan; pinagsama ito ni Stalin sa ortodoksong Marxismo upang mabuo ang Marxismo–Leninismo, na siya'y nagkaroon ng iilan pang sangay tulad ng Stalinismo, Trotskismo, at Maoismo. Isang kontrobersyal at lubos na naghahating makasaysayang pigura, pinupuri si Lenin ng kanyang mga tagasuporta bilang isang kampeon ng sosyalismo at uring manggagawa na siyang pinakadakilang sumunod kay Karl Marx. Sa kaibhan, inaakusahan siya ng kanyang mga kritiko sa paggawa ng totalitaryong diktadura na nangasiwa sa maramihang pagpatay at pampolitikang panunupil.