Bulkan

Bulkan Sabancaya, Peru sa 2017
Bulubulkaning Cordillera de Apaneca sa El Salvador. Tahanan ang bansa sa 170 bulkan, aktibo ang 23 sa mga ito, kabilang dito ang dalawang kaldera, at higbulkan ang isa sa mga ito. Nabigyan ang El Salvador ng taguring La Tierra de Soberbios Volcanes, (Ang Lupa ng mga Kahanga-hangang Bulkan).
Tungkol ito sa isang anyong lupa, para sa mitolohikong diyos, tingnan ang Bulkan (diyos).

Ang bulkan ay pagkalagot sa krast ng isang bagay na may buntalaing laki, tulad ng Daigdig, na nagpapahintulot sa pagbuga ng mainit na lava, abo-bulkan, at buhag mula sa liyaban ng magma sa ilalim ng lupa.

Mayroong mga bulkan sa Daigdig dahil na nakahiwalay ang kanyang krast sa 17 pangunahing, maigting na plakang tektonika na lumulutang sa mas mainit at mas malambot na latag ng mundo.[1] Samakatuwid, sa Daigdig, kadalasang matatagpuan ang mga bulkan kung saan naghihiwalay o nagdidikitan ang mga plakang tektonika, at matatagpuan ang karamihan nito sa ilalim ng tubig. Bilang halimbawa, isang gitkaragatang gulod, tulad ng Git-Atlantikong Gulod, ay mga bulkan na bunga ng mga pahiwalay na plakang tektonika samantalang ang Singsing ng Apoy ng Pasipiko ay may mga bulkan na bunga ng mga nagdidikit na plakang tektonika. Maaari ring mabuo ang mga bulkan kung saan may pagbanat at pagpayat sa mga plaka ng krast, hal. sa Siwang ng Silangang Aprika, sa bulubulkanin ng Wells Gray-Clearwater, at Siwang ng Rio Grande sa Hilagang Amerika. Ang ganitong uri ng bulkanismo ay nasa ilalim ng grupo ng "palagayin ng plaka" sa bulkanismo.[2] Ipinaliwanag din ang bulkanismo na malayo sa mga hangganan ng plaka bilang mga pluma ng latag. Ipinapalagay na ang mga tinatawag na "batik-init", tulad ng Hawaii, ay nanggagaling mula sa tumataas na diapir na may magma mula sa hangganan ng ubod–latag, 3,000 km kalalim sa Daigdig. Hindi naman nabubuo ang mga bulkan sa pagdulas ng dalawang plato sa isa't isa.

Maaaring magdulot ang mga pumuputok na bulkan ng mararaming panganib, hindi lamang sa paligid ng pagputok. Isang halimbawa ng peligro ay maaaring maging panganib ang abo sa mga eroplano, lalo na ang mga mayroong mga likhisog panghimpapawid kung saan natutunaw ang mga tipik ng abo sa mataas na temperatura ng pagpapatakbo; pagkatapos, dumidikit ang mga natunaw na tipik sa mga talim ng turbina at nagbabago sa hugis nito na nakaiistorbo sa pagtakbo ng turbina. Nakaaapekto ang mga malaking pagsabog sa temperatura dahil hinaharangan ng abo at mga patak ng mga asido sulpuriko ang araw at nagpapalamig sa ibabang atmospera (o himpapawid); gayunman, maaari rin silang mabaon ng init na siningaw ng Daigdig, sa gayon ay nagpapainit sa mas itaas na atmospera (o alangaang). Ayon sa kasaysayan, naging sanhi ang mga bulkanikong tagginaw ng mga napakamalalang taggutom.

  1. NSTA Press / Archive.Org (2007). "Earthquakes, Volcanoes, and Tsunamis" (PDF). Resources for Environmental Literacy. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong Setyembre 13, 2012. Nakuha noong Abril 22, 2014.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Foulger, Gillian R. (2010). Plates vs. Plumes: A Geological Controversy. Wiley-Blackwell. ISBN 978-1-4051-6148-0.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Bulkan

Dodaje.pl - Ogłoszenia lokalne