Ang Dagat Puti (Ruso: Бе́лое мо́ре, Pinlandes: Vienanmeri, Ingles: White Sea) ay isang wawa ng Dagat Barents na nasa ibabaw ng hilagang-kanlurang baybayin ng Rusya. Napapaligiran ito ng Karelia sa kanluran, ng Tangway ng Kola sa hilaga, at ng Tangway ng Kanin sa hilagang-silangan.
Nakalagak ang mahalagang daungan ng Arkhangelsk sa Dagat Puti. Sa karamihan ng nasasaad sa kasaysayan ng Rusya, ito ang pangunahing sentro ng pandaigdig na kalakalang pangdagat ng Rusya, na isinagawa ng tinatawag na mga Pomor ("mga nanirahan sa tabing-dagat") mula sa Kholmogory. Sa makabagong panahon, naging mahalaga itong baseng pangdagat at pangsubmarino ng mga Sobyet. Idinudugtong ng Kanal ng Dagat Puti at Baltiko ang Dagat Puti sa Dagat Baltiko.
Nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga Ruso ang kabuoan ng Dagat Puti, at itinuturing na mga katubigang panloob ng Rusya.
Mayroong apat na pangunahing mga dalampasigan at mga golpo sa Dagat Puti. Mula kanluran hanggang silangan, ito ang Golpo ng Kandalaksha, ang Look ng Onega, Look ng Dvina, at ang Look ng Mezen.
Isa ang Dagat Puti sa apat na mga dagat pinangalanan mula sa mga kulay— ang iba pa ay ang Dagat Itim, ang Dagat Pula, at ang Dagat Dilaw.
Sa wikang Turko, ang pangalang Akdeniz, na nasasalinwika bilang 'Dagat Puti,' ay hindi talaga tumutukoy sa dagat na nasa hilaga ng Rusya, sa halip ay tumutukoy ito sa Dagat Mediteraneo.