Sa sinaunang relihiyong Romano at mito, si Faunus o Fauno ay ang diyos na may sungay ng kagubatan, mga kalatagan, at mga bukirin; nang gawin niyang magkaroon ng kakayahang magkaanak ang mga kawan ng baka at mga katulad na hayop, tinawag siyang Inuus. Naging katumbas siya sa panitikan ng Griyegong diyos na si Pan.
Si Faunus ang isa sa pinakamatandang mga diyos ng sinaunang mga Romano, kilala bilang di indigetes o mga indihenang diyos (mga taal o katutubong diyos). Ayos sa epikong makatang si Virgil, si Faunus ay isang maalamat na hari ng mga Latino na dumating na kasama ang kanyang mga tao mula sa Arcadia. Ang kanyang lilim ay kinukunsulta bilang diyos ng propesiya o hula na may pangalang Fatuus, na may mga orakulo[1] sa loob ng banal na kahuyan ng Tibur, sa paligid ng balon ng Albunea, at sa ibabaw ng Burol Aventine sa loob ng mismong sinaunang Roma.[2]
Binigyang diin ni Marcus Terentius Varro na ang mga tugong orakular ay ibinigay sa mga bersong Saturniano.[3] Ipinahayag ni Faunus ang hinaharap sa pamamagitan ng mga panaginip at mga tinig na itinatalastas sa mga taong natutulog sa kanyang mga presinto, na nakahimlay sa mga balahibo ng isinakripisyong mga tupa. Iminungkahi ni W. Warde Fowler na si Faunus ay identikal o kaparis ni Favonius,[4] isa sa mga diyos ng hangin ng sinaunang mga Romano (paghambingin ang mga Anemoi).