Ang kompyuter, ordenador o panuos (Ingles: computer) ay isang kagamitang elektronikon at digital (tambilangan) kung saan dinisenyo upang kusang magkompyut ng mga pangkat ng aritmetika at operasyong lohiko. Ang mga modernong kompyuter ay nakakapagpagana ng mga generikong operasyon kung saan mas malaki ang sakop ng kanyang mga nakokompyut na programa kumpara sa ordinaryong kompyuter. Ang kompyuter sistems naman ay ang kumakatawan sa kompyuter na mayroong pinagsama-samang hardware, sistemang operasyon, at mga panlabas na kagamitan. Tinatawag din ang kompyuter sistems bilang kompyuter network at kompyuter klaster na pinagsama-sama upang mapagana. Ang dadalahing kompyuter o dadalahing panuos (Ingles: laptop) ay isang maliit na kompyuter na pansarili (PC) na maaaring bitbitin at may isang tabing o "screen" at talapindutang alpanumeriko. Dahil ang isang sunod sunod na mga operasyon ay maaaring handang mabago, ang kompyuter ay makalulutas ng higit sa isang uri ng problema. Sa kumbensyon, ang isang kompyuter ay binubuo ng hindi bababa sa isang elementong nagpoproseso na tipikal ay isang CPU at isang anyo ng memorya. Ang CPU ay naglalaman ng dalawang tipikal na mga bahagi na arithmetic logic unit (ALU) na nagsasagawa ng mga operasyong aritmetiko at lohikal at control unit (CU) na kumukha ng mga instruksyon sa memorya at nagsasalin at nagsasagawa ng mga ito na tumatawag sa ALU kung kinakailangan. Ang unang elektronikong dihital na mga kompyuter ay pinaunlad sa pagitan ng 1940 at 1945 sa United Kingdom at Estados Unidos. Ang mga sukat nito ay orihinal na kasinglaki ng isang malaking kwarto at kumokonsumo ng labis na elektrisidad gaya ng ilang mga daan-daang modernong personal na kompyuter(mga PC).[1] Sa panahong ito, ang mga mekanikal na analogong kompyuter ay ginagamit para sa mga aplikasyong pangmilitar.
Ang mga modernong kompyuter na nakabatay sa mga integrated circuit ay milyon hanggang bilyong mas may kakayahan sa mga sinaunang kompyuter at umookupa ng isang praksyon ng espasyong kailangan ng mga ito.[2] Ang mga simpleng kompyuter ay sapat na maliit upang magkasya sa mga mobile device at ang mga kompyuter na mobile ay maaaring paandarin ng isang maliit na baterya. Ang mga personal na kompyuter sa iba't ibang mga anyo nito ay mga ikono ng Panahon ng Impormasyon at ang ito ang mga naiisip ng mga tao na tinatawag na "kompyuter". Gayunpaman, ang mga embedded computer na matatagpuan sa maraming mga kasangkapan mula sa mga mp3 player hanggang sa mga sasakyang panghimpapawid na pandigma at mula sa mga laruan hanggang sa mga industrial na robot ang pinakamarami. Karaniwang nagagamit na rin ang mga modernong kompyuter sa pagnenegosyo, pagpapaganda ng larawan, paglikha ng musiko, at pakikipag-ugnayan. Ang agham pangkompyuter ang disiplina na nag-aaral ng teorya, disenyo, at paglalapat ng mga kompyuter.