Kultura

Kultúra (Kastila: cultura) o kalinangán (mula "linang") ang kabuuang katawagan sa mga kaisipan, kaugalian, tradisyon, at gawi ng isang lipunan.[1][2] Itinuturing ito bilang isa sa mga sentrong konsepto sa larangan ng antropolohiya, kung saan hinahanap at pinag-aaralan ng mga antropologo ang mga pagkakaiba ng mga kultura gayundin sa mga pagkakapareho nila – ang pandaigdigang kultura (Ingles: universal culture), tulad ng sining, musika, sayaw, ritwal, rehiliyon, at teknolohiya. Nahahati sa dalawa ang kultura: materyal tulad ng pananamit at tahanan at di-materyal tulad ng politika at mitolohiya.[3]

Mga iba't-ibang aspeto ng mga kultura sa mundo.

Samantala, sa araling pantao, maaari ding tumutukoy ang kultura sa antas ng pagiging sopistikado ng isang indibidwal sa kasiningan, agham, edukasyon, o gawi. Ginagamit ito bilang isang uri ng klasipikasyon para tukuyin ang antas ng isang sibilisasyon. Makikita ang ganitong pananaw sa kultura sa mga lipunang may hiyarkiya, na madalas hinahati sa dalawa: ang mataas na kultura ng mga may-kaya at ang mababang kultura tulad ng kulturang popular ng masa. Samantala, umusbong naman ang kulturang pangmasa pagsapit ng ika-20 siglo, kasabay ng pagbilis sa produksiyon ng mga bagay na epekto ng Rebolusyong Industriyal, na nagbigay-daan naman upang umusbong din ang kulturang pangkonsyumer.

Iba't-iba ang mga pananaw sa araling pangkultura ang gampanin ng kultura sa lipunan. Halimbawa, kinakatuwiran sa Marxismo at teoryang kritikal na ginagamit ang kultura bilang isang kagamitan para manipulahin ang proletariat at gumawa ng isang pekeng diwa. Samantala, sa agham panlipunan naman, ipinagpalagay na ang kultura ng tao ay nagmula sa pangangailangang materyal ng tao na resulta ng ebolusyon nito.

Kultura rin ang tawag sa kaalaman na nakuha sa paglipas ng panahon. Sa ganitong pananaw, layunin ng multikulturalismo ang mapayapang pagkakaroon ng iba't ibang kultura sa isang lugar. Monokulturalismo naman ang kabaligtaran nito. Samantala, ginagamit din ang salitang "kultura" para tukuyin ang mga mas tiyak na gawain sa isang mas malaking kultura, tulad halimbawa ng mga subkultura o kontrakultura. Sa larangan ng antropolohiyang pangkultura, ayon sa relatibismong pangkultura, hindi mararanggo ang mga kultura sa kahit anong paraan dahil kailangang pag-aralan ang mga ito ayon sa pananaw ng kulturang yon.

May mga institusyon na naglalayon na protektahan ang mga kulturang nanganganib mawala. Ang UNESCO ay ang sangay ng Mga Nagkakaisang Bansa na may layuning protektahan at pangalagaan ang mga kultura at pamana ng mga kasaping bansa nito. Ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at Kasiningan ang katumbas na komisyon nito sa Pilipinas.

  1. Tylor, Edward (1871). Primitive Culture [Primitibong Kultura] (sa wikang Ingles). Bol. 1. New York, Estados Unidos: J.P. Putnam's Son.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "kalina-ngan". Diksyonaryo.ph. Nakuha noong 18 Setyembre 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Macionis, John J; Gerber, Linda Marie (2011). Sociology [Sosyolohiya] (sa wikang Ingles). Toronto, Canada: Pearson Prentice Hall. p. 53. ISBN 978-0-13-700161-3. OCLC 652430995.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Kultura

Dodaje.pl - Ogłoszenia lokalne