Lambak ng Fergana | |
---|---|
Fergana Valley Farg‘ona vodiysi, Фергана өрөөнү, водии Фaрғонa, Ферганская долина, وادی فرغانه | |
Haba | 300 km (190 mi) |
Sukat | 22,000 km2 (8,500 mi kuw) |
Geography | |
Lokasyon | Kyrgyzstan, Tajikistan, Uzbekistan |
Mga koordinado | 40°54′03″N 71°45′28″E / 40.9008°N 71.7578°E |
Mga ilog | Ilog Syr Darya, mula sa ilog Naryn at Kara Darya |
Ang Lambak ng Fergana ay isang lambak sa Gitnang Asya na sumasakop sa silangang bahagi ng Uzbekistan, katimugang Kyrgyzstan, at hilagang Tajikistan.
Ang lambak na ito ay nahahati sa tatlong republika noong panahon ng Unyong Sobyet, at tinitirhan ito ng iba't iba at samu't saring mga lahi, na naging dahilan sa kaguluhan rito noong pagpasok ng ika-21 siglo. Pa-tatsulok ang sakop ng lambak, at makikita ito sa tuyong bahagi ng rehiyon. Ang kasaganahan ng naturang lambak ay dahil sa dalawang ilog na dumadaloy rito, ang ilog Naryn at Kara Darya, kung saan dumadaloy ito mula sa silangan at magkasamang bumubuo sa ilog ng Syr Darya. Mahaba-haba ang kasaysayan ng lambak - mahigit 2,300 taon na simula noong itinatag ni Alejandrong Dakila ang lungsod ng Alehandriang Eskate (Ingles: Alexandria Eschate, lit. na 'Alexandriang Pinakamalayo').
Nakasulat ang ilang mga bayan sa lambak na ito sa mga tanikala mula Tsina, mahigit 2,100 taon na ang nakakalipas. Ito ang nagsisillbing daan sa pagitan ng mga sibilisasyong Griyego, Intsik, Baktriano, at Partano. Ito rin ang tahanan ni Babur, ang nagtatag ng Dinastiyang Mughal, na nagdugtong sa rehiyon sa ngayo'y Apganistan at Timog Asya. Sinakop ng Imperyong Ruso ang lambak noong ika-19 na siglo, at naging bahagi ito Unyong Sobyet noong dekada 1920s. Noong bumagsak ang Unyon noong 1991, lumaya ang tatlong republikang nandito. Dominante ang Muslim sa lugar na ito, at tinitirhan ng mga Uzbek, Tajik, at Kyrgyz, madalas nagkakahalo-halo at sumasalungat sa mga hangganan ng mga bansa ngayon. Marami-rami rin ang mga Ruso, Kashgar, Kipchak, Hudyong Buhara (Bukharian Jews), at Romani (o Gitano) base sa kasaysayan.
Pangunahing industriya pa rin hanggang sa ngayon ang maramihang pagtatanim ng kapok (bulak), na unang ipinakilala ng mga Sobyet, pati na rin ng pagtatanim sa iba't ibang klase ng mga angkak, prutas, at gulay. Mahaba-haba rin ang kasaysayan ng lugar sa pagpaparami ng alaga (stock breeding) at paggawa ng mga gawang-katad (leatherwork). Lumalaki rin ang sektor ng pagmimina, kung saan may mga deposito ng uling (coal) ang lugar, gayundin ng deposito ng bakal (iron), yeso (gypsum), batong asin (rock salt), napta (naphtha), at ilang natukoy na maliliit na mga reserba ng langis.