Ang mikroskopyo o mikroskopo (mula sa wikang Griyego: μικρόν (micron) = maliit + σκοπεῖν (skopein) = tingnan ang) ay isang instrumento para sa pagtingin o pagsilip ng mga bagay na masyadong maliit para makita ng mga mata lamang o hindi-tinutulungang mga mata. Tinatawag na mikroskopiya ang agham ng pagsusuri ng mga maliliit na bagay na ginagamitan ng ganitong kagamitan. Nangangahulugan ng masyadong maliit at hindi nakikita ng mata kung hindi tutulungan ng mikroskopyo ang salitang mikroskopiko. May halos 400 taon na ang kasaysayan nang simulang gamitin ang mga mikroskopyo sa mga paaralan at mga tahanan.
Ang pinakaunang gamiting mikroskopyo ay nilikha sa Netherlands noong mga unang panahon ng dekada 1600. May kalituhan sa impormasyon hinggil sa lumikha (imbentor) at mga petsa ng pagkakaimbento ng mikroskopyo. Tatlong magkakaibang mga manlilikha ng mga salaming pang-mata ang nabigyan ng kapurihan sa pagkakalikha ng imbensiyon: sina Hans Lippershey (na manlilikha rin ng pinakaunang tunay na teleskopyo), Hans Janssen at ang anak niyang lalaki na si Zacharias Janssen.