Ang ngalang panlipi na tinatawag din sa salitang demonym ( /ˈdɛmənɪm/; mula sa Griyego: δῆμος, dêmos, "tao, angkan" at όνομα, ónoma, "pangalan") o hentilisiyo/gentilic (mula sa Latin: gentilis, "ng isang angkan o pangkat ng mga tao na may magkaparehong pinagmulan")[1] ay isang salita na tumutukoy sa isang pangkat ng tao (naninirahan, residente o katutubo) na may kaugnayan sa isang partikular na lugar. Ang ngalang panlipi ay kadalasang hinango mula sa pangalan ng lugar (barangay, linang, nayon, bayan, lungsod, rehiyon, lalawigan, estado, bansa, kontinente, at iba pa) o ng isang pangkat-etniko.[2] Bilang isang larangang nasa ilalim ng antropolohiya, tinatawag ang pag-aaral ng mga demonim bilang demonymy o demonymics. Kabilang sa mga halimbawa ng mga demonym ang Cochabambino, na nangangahulugang ang isang indibiduwal na nagmula sa lungsod ng Cochabamba; ang Amerikano na isang tao na mula sa bansa na tinatawag na Estados Unidos (o mas malakawak na kahulugan ay ang tao na mula sa mga lupalop ng Hilagang Amerika at Timog Amerika); Pasigueño, na tumutukoy sa mga tao na mula sa lungsod ng Pasig; at ang Swahili, na isang tao sa baybayin ng Swahili.