Ang pagpupunla, pagpupunlay[1] o pertilisasyon (mula sa Ingles na fertilization at halaw-Kastilang pagbabaybay na fertilizacion[2]; Kastila: fecundación) ay ang pagsasanib ng mga binhi ng lalaki at babae: similya o punlay mula sa lalaki at itlog mula sa babae. Tinatawag din itong paglilihi bagaman maaari ring tumukoy ang katagang "paglilihi" sa pamimithi o pananabik nang labis sa isang bagay na katulad ng pagkain (food craving o dietary craving) na maaaring maranasan ng babaeng naglilihi, o pati na ng lalaking katambal ng babaeng naglilihi.[3][4] Ang paglilihi na nararanasan ng babae ay katumbas ng pagiging "karamdaman tuwing umaga" (morning sickness) o "sakit na pampagdadalangtao" (pregnancy sickness), na maaaring kasangkutan ng pagsusuka, pagduduwal (nausea), mataas na kaselanan sa panlasa at pang-amoy.[5]