Panahong Muromachi

Ang Panahon ng Muromachi ay nagsimula sa taong 1336 hanggang sa taong 1573. Kinilala din itong bilang Muromachi bakufu, Panahong Ashikaga, at bakufu ng Ashikaga. Dito sa panahong ito nagsimula ang Kasugunang Ashikaga ng sa pagkakaluklok ni Takauji Ashikaga bilang sugun. Natapos ang panahong ito ng itaboy ni Nobunaga Oda ang ika-15 sugun ng Ashikaga na si Yoshiaki paalis sa Kyoto noong taong 1573.

Hinati ang Panahong Muromachi ng dalawang bahagi. Ang unang bahagi mula taong 1336 hanggang 1392 ay tinaguriang Nanbokuchou o Panahon ng mga Korte sa Hilaga at Silangan. Ang ikalawang bahagi ay pagkaraan ng taong 1467 hanggang sa katapusan ng Panahong Muromachi. Ito ay tinawag na Sengoku jidai o Panahon ng Naglalaban-laban ang Bansa.

Ang pangalang Muromachi ay hinalaw mula sa isang lugar na kung saan itinayo ni Yoshimitsu Ashikaga, ang ikatlong sugun ng kasugunang Ashikaga, ang kanyang tahanan noong taong 1378. Ang malaking pinagkaiba ng kasugunang Muromachi sa Kasugunang Kamakura ay sa pagpapatakbo ng gubyerno. Ang mga kasugunang Kamakura ay pantay ang turing sa kapangyarihan sa mga nasa Korte ng Imperyo sa Kyoto, samantalang ang mga Kasugunang Ashikaga ang tuwirang namamahala sa buong bansa.

Ang isang malaking pinagkaiba din ng dalawang kasugunang ito ay hindi kasing lakas ng impluwensiya ng mga kasagunang Kamakura ang mga Ashikaga dahil nahatak at naubos ang kanilang mga oras sa digmaang bayan. Noong umupo lamang ang ikatlong sugun na si Yoshimitsu nagkaroon ng kaunting kaayusan at tuwirang pamumuno ang kasugunang Ashikaga.

Pinayagan ni Yoshimitsu ang mga hepe sa lalawigan na magkaroon ng malawakang kapangyarihang pampolitika sa kanilang mga nasasakupan. Wala silang ganoong klaseng kapangyarihan sa panahon ng kasugunang Kamakura. Dahil dito sa mga kapangyarihang pampolitika ng mga hepe, tinawag silang mga daimyo.

Noong una, pantay-pantay ang kapangyarihan ng sugun at mga daimyo. Ang tatlo sa mga prominenteng pamilya ng daimyo ay naghalinhinan bilang kinatawan ng sugun sa Korte ng Imperyo sa Kyoto. Nagtagumpay din si Yoshimitsu na pag-isahin ang dalawang Korte na nasa Hilaga at Timog noong 1392, pero kahit na nangako si Yoshimitsu na magkakaroon na balanseng kapangyarihan ang dalawang Korte nanaig ang mga Korte sa Hilaga sa pagpapatuloy ng linya ng mga uupo sa Tronong Krisantemo.

Unti-unting humina ang mga sugun ng matapos ang panunungkulan ni Yoshimitsu. Sa ngayon lumakas na ang mga kapangyarihan ng mga daimyo at iba pang mga pamilya sa lalawigan. Naging walang saysay na ang utos ng mga sugun sa kung sino ang uupo bilang Emperador ng Hapon, dahil ang mga daimyo ay may sinusuportahan din na kani-kanilang mga kandidato.

Di naglaon ang mga angkang Ashikaga din ay nagkaroon ng problema sa kung sino ang mga mamumuno sa angkan. At dahil sa alitang ito umusbong ang sampung taong Digmaang Onin na nagsimula noong taong 1467 hanggang taong 1477. Ang Digmaang Onin ang talagang sumira sa Kyoto at opisyal na tumuldok sa kapangyarihan ng bakufu. Dahil wala ng direktang namumuno sa Japan at malakas ang mga daimyo sa mga lalawigan, nagkanya-kanya sa pamumuno ang mga kapangyarihan kung kayat lumaganap ang anarkiya.


Panahong Muromachi

Dodaje.pl - Ogłoszenia lokalne