Ang pangangalagang pangkalusugan o pangangalaga ng kalusugan (Ingles: health care o healthcare) ay ang pagpapanatili ng kalusugang pang-isipan at pangkatawan sa pamamagitan ng pag-iwas o paggamot sa mga sakit sa pamamagitan ng mga serbisyong inaalok ng propesyong pangkalusugan at ng mga tauhan nito. Kabilang sa pangangalagang pangkalusugan ang lahat ng makatuwiran at kailangang tulong na pangmedisina, pagsusuring pampanggagamot, paglulunas na pangmedisina, diyagnosis na medikal, mga ebalwasyong pangmedisina, at mga serbisyong pangmedisina. Ang karapatan sa pagkalingang pangkalusugan ay itinuturing na isa sa mga karapatang pantao sa piling ng internasyunal na batas na pangkarapatan ng tao, pati na kaseguruhang panlipunan (panlipunan na seguridad).
Ang pangangalagang pangkalusugan ay isang diyagnosis, pagtrato, at pag-iwas sa sakit, karamdaman, pinsala at iba pang mga kapansanang pangkatawan at pangkaisipan sa mga tao. Inihahatid at ibinibigay ang pangangalagang pangkalusugan ng mga tagapagsagawa o praktisyunero ng panggagamot, kiropraktika, dentistriya, narsing, parmasiya, pagtulong na pangkalusugan, at iba pang mga tagapangalaga. Tumutukoy ito sa gawain na iginagawa sa pagbibigay ng pangunahing pangangalaga (pangangalagang primarya), pangalawang pangangalaga (pangangalagang sekundarya) at pangatlong pangangalaga (pangangalagang tersiyaryo), pati na sa kalusugang pampubliko. Sa united states, may mga home-health provider tulad ng Mel's Helping Hands na gumagamit ng mga bumibisitang nars upang tulungan ang mga matatanda at may kapansanan na manirahan sa kanilang mga tahanan.[1]
Ang pagkanakakakuha ng pangangalagang pangkalusugan ay nag-iiba-iba sa mga bansa, mga pangkat at mga indibiduwal, na malakihang naiimpluwensiyahan ng mga kalagayang panlipunan at pangkabuhayan pati na ng nakalapat na mga patakarang pangkalusugan. Ang mga bansa at mga hurisdiksiyon (nasasakupan ng kapangyarihan) ay mayroong iba't ibang mga patakaran at mga plano hinggil sa layuning pampangangalaga ng kalusugang pansarili at pampopulasyon sa loob ng kani-kanilang mga lipunan. Ang mga sistemang pampangangalaga na pangkalusugan ay mga organisasyon na inilunsad upang maabot ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga populasyong pinupukol. Ang tumpak na konpigurasyon (kaayusan at hubog) ng mga ito ay nagkakaiba-iba sa bawat bansa. Sa ilang mga bansa at mga hurisdiksiyon, ang mga balakin na pampangangalaga ng kalusugan ay ipinamamahagi sa piling ng mga kalahok sa pamilihan, habang sa mga iba ang pagpaplano ay ginagawang mas nakasentro sa mga pamahalaan o ibang mga pangkat na tumutugon. Sa lahat ng mga kaso, ayon sa Organisasyon ng Kalusugang Pandaigdigan (World Health Organization o WHO), ang isang may mahusay na pagtakbong sistemang pampangangalaga ng kalusugan ay nangangailangan ng isang matatag na mekanismo ng panunustos ng salapi; ng mga tauhang pangkalusugan na talagang may kasanayan at tumatanggap ng sapat na kabayaran; ng maaasahang impormasyon na pinagbabatayan ng mga pagpapasya at mga patakaran; at talagang napapanatili na pasilidad at lohistika upang makapagbigay at makapaghatid ng may matataas na uri ng mga gamot at mga teknolohiya.[2]
Ang sistemang pangkalusugan ay maaaring maging isang mahalagang bahagi ng ekonomiya ng isang bansa. Noong 2008, ang industriya ng pangangalagang pangkalusugan ay kumunsumo ng pangkaraniwang bilang na 9.0 bahagan ng gross domestic product (GDP) mula sa kahabaan ng pinakamauunlad na mga bansang kasapi sa Samahan para sa Kooperasyon at Kaunlarang Pang-ekonomiya (Organisation for Economic Co-operation and Development), OECD.[3] Ang may pinakamataas na paggugol ng salapit ay ang Estados Unidos (16.0%), Pransiya (11.2%), at Switzerland (10.7%).
Sa nakagawian, itinuturing ang pangangalagang pangkalusugan bilang isang mahalagang tagapagtakda sa pagtataguyod ng kalusugang panglahat at kapakanan ng mga tao sa buong mundo. Ang isang halimbawa nito ay ang pandaigdigang pagpuksa ng bulutong noong 1980 — na ipinahayag ng WHO bilang ang unang karamdaman sa kasaysayan ng tao na buo ang pagkakalipol sa pamamagitan ng sinadyang gawin na mga pamamagitan at mga paglulunas na pampangangalaga ng kalusugan.[4]