Patatas | |
---|---|
Mga kultibar ng patatas na ipinapakita ang iba't ibang uri ng kulay, hugis at laki. | |
Klasipikasyong pang-agham | |
Kaharian: | Plantae |
Klado: | Tracheophytes |
Klado: | Angiosperms |
Klado: | Eudicots |
Klado: | Asterids |
Orden: | Solanales |
Pamilya: | Solanaceae |
Sari: | Solanum |
Espesye: | S. tuberosum
|
Pangalang binomial | |
Solanum tuberosum |
Ang patatas ay isang magawgaw na halamang-ugat na gulay na katutubong Kaamerikahan na kinukonsumo bilang pangunahing pagkain sa maraming bahagi ng mundo. Isang lamang-ugat ang patatas ng halaman na Solanum tuberosum, isang uri ng santaunan sa pamilyang Solanaceae.
Matatagpuan ang mga ligaw na halamang espesye ng patatas sa katimugang Estados Unidos hanggang katimugang Tsile. Ipinakikita ng mga pag-aaral sa henetiko na may iisang pinagmulan ang patatas, sa lugar ng kasalukuyang katimugang Peru at pinakahilagang-kanluran ng Bolibiya. Nadomestikado ang mga patatas noong mga 7,000–10,000 taon na nakalilipas mula sa isang espesye sa kompleks na S. brevicaule. Maraming uri ng patatas ang nililinang sa rehiyon ng Andes ng Timog Amerika, kung saan katutubo ang mga espesye.
Ipinakilala ng mga Espanyol ang patatas sa Europa noong ikalawang kalahati ng ika-16 na dantaon mula sa Amerika. Pangunahing pagkain ang mga ito sa maraming bahagi ng mundo at mahalagang bahagi ng karamihan sa panustos ng pagkain sa mundo. Kasunod ng sanlibong taon ng paglalahing selektibo, mayroon na ngayong mahigit 5,000 iba't ibang uri ng patatas. Nananatili ang patatas na mahalagang pananim sa Europa, lalo na sa Hilaga at Silangang Europa, kung saan pinakamataas pa rin ang bawat kapita ng produksyon sa mundo, habang ang pinakamabilis na paglawak ng produksyon noong ika-21 dantaon ay sa timog at silangang Asya, kung saan nangunguna ang Tsina at Indya sa produksyon sa mundo ayon noong 2021.
Tulad ng kamatis, ang patatas ay isang yerba mora sa henerong Solanum, at ang tumutubo sa hangin na bahagi ng patatas ay naglalaman ng lason na solanina. Ang mga normal na lamang-ugat ng patatas na lumaki at nakaimbak nang maayos ay nakakagawa ng glikoalkaloyde sa napakaliit na halaga, subalit, kung nalantad sa liwanag ang mga usbong at balat ng patatas, maaaring maging nakakalason ang lamang-ugat.