Sa aritmetika, ang persentahe, porsiyento, o bahagdan[1][2][3] (Wikang Ingles:Percentage) ay isang paraan ng pagpapahayag ng isang bilang bilang isang bahaging-hati (hating-bilang, praksiyon o pingki) ng 100 (ang per sent o per cent [Ingles], na nangangahulugang "sa bawa't sandaan", "kada isandaan", o "sang-ayon sa bawa't sangdaan"[4]). Karaniwang itong kinakatawanan ng sagisag ng porsiyento, ang "%". Halimbawa, 45% (binabasa bilang "apatnapu't limang bahagdan" o "apatnapu't limang porsiyento") na katumbas ng 45 / 100, o 0.45.
Ginagamit ang persentahe sa pagpapaliwanag kung gaano kalaki ang halaga ng isang bilang kaugnay ng isa pang bilang. Kalimitang kumakatawan ang unang bilang sa isang bahagi ng o isang pagbabago sa ikalawang bilang, na nararapat na mas mataas kaysa wala o sero (0). Halimbawa, ang pagdagdag ng P 0.15 sa halaga o presyon ng P 2.50 ay isang pagtaas ng isang bahaging-hati ng 0.15 / 2.50 = 0.06. Kung ipapahayag bilang isang persentahe, kung gayon isa itong pagtaas ng may 6%.
Bagaman kadalasang ginagamit ang mga persentahe o kabahagdanan sa pagpapahayag ng mga numero o bilang na nasa pagitan ng sero at isa, maaari ring ipaliwanag ang anumang proporsyonalidad na walang dimensiyon bilang isang persentahe. Bilang halimbawa, ang 111% ay 1.11 at ang −0.35% ay −0.0035.