Ang punong ministro ang pinakamataas na ministro sa gabinete ng sangay ng tagapagpaganap ng pamahalaan sa sistemang parlamentaryo o batasan. Ang posisyon ay kalimitan, subalit hindi limitado, sa isang politiko. Sa maraming sistema ang punong ministro ang namimili at maaaring magtanggal sa ibang miyembro ng kabinite, at magtalaga ng mga miyembro sa mga posisyon sa pamahalaan. Siya ang karaniwang kasapi na nangunguna sa mga pulong at ang tumatayong tangapangulo ng gabinite. Samantalang sa ibang sistema lalo na sa sistemang semipresidensiyal ng pamahalaan, ang punong ministro ang opisyal na namamahala sa serbisyong sibil at nagpapatupad sa mga direktiba ng Pangulo.
Sa ganitong sistemang nakabatay sa sistemang Westminster, ang punong ministro ang nangunguna at ang mismong tumatayong pinuno ng pamahalaan at pinuno ng sangay ng ehekutibo. Sa ganoong sistema, ang pinuno ng estado o ang kinatawan ng pinuno ng estado (hal. ang Monarko, Pangulo, o Gobernador-Heneral), kahit pa opisyal na pinuno ng sangay ng tagapagpaganap, sa katotohanan ay humahawak ng posisyong seremonyal. Ang Punong Ministro ay kalimitan, subalit hindi palagi, kasapi ng parlamento o batasan at inaasahan kasama ng iba pang mga ministro na tiyakin ang pagpasa ng mga batas sa pamamagitan ng lehislatura. Sa ibang monarkiya ang monarko ay maaari ring gumamit ng mga kapangyarihang tagapagpaganap na binibigay sa korona ayon sa saligang batas nito at maaaring ipatupad na hindi na nangangailangan ng pagsang-ayon ng parlamento.