Ang isang taripa ay ang buwis na ipinapataw sa mga inaangkat o iniluluwas na kalakal sa pagitan ng mga malalayang bansa. Isang anyo ito ng alituntunin ng kalakalang pambanyaga at isang polisiya na binubuwisan ang mga banyagang produkto upang himukin o protektahan ang domestikong industriya. Sa tradisyon, ginagamit ito ng mga estado bilang isang pinagkukunan ng kita. Malawak itong ginagamit bilang instrumento ng proteksyonismo, kasama ang mga kota o tinakda sa angkat at luwas.
Maaring nakapirmi ang mga taripa (isang hindi nagbabagong kabuuan bawat yunit ng mga inangkat na mga kalakal o isang bahagdan ng presyo) o kaya't nagbabago (nag-iiba ang halaga sang-ayon sa presyo). Nangangahulugan na ang papataw ng buwis sa mga angkat ay malamang na hindi ito bibilhin ng mga tao dahil magiging mas mahal ito. Ang intensyon ay sa halip, bibili sila ng sariling produkto - na magpapalakas sa ekonomiya ng bansa. Samakatuwid, nagbibigay ang taripa ng isang insentibo upang pagbutihin ang produksyon at palitan ang mga angkat sa domestikong produkto. Nilayon ng taripa ang mabawasan ang panggigipit mula sa banyagang kompetisyon at bawasan ang kakulangan sa pangangalakal. Sa kasaysayan, nabigyan sila ng katuwiran bilang isang kaparaanan upang isanggalang ang mga sanggol na industriya at upang ipahintulot ang industriyalisasyon kapalit ng pag-angkat. Ginagamit din ang taripa upang itama ang artipisyal na mababang presyo para ilang inangkat na mga produkto, dahil sa 'pagtapon', subsidiya sa pagluwas at manipulasyon sa pananalapi.
May halos nagkakaisang pinagkakasunduan ang mga ekonomista na may isang negatibong epekto ang taripa sa paglago ng ekonomiya at sa kapakanan ng ekonomiya habang may positibong epekto sa paglago ng ekonomiya ang malayang kalakalan at pagbawas sa hadlang sa kalakalan.[1][2][3][4][5][6] Bagaman, ang liberalisasyon ng kalakalan ay maaring magdulot ng isang mahalaga at hindi pantay na pinapamahaging pagkalugi, at ang dislokasyon ng mga manggagawa sa sektor na nakikipagkompetisyon sa pag-angkat.[2]