Ang Timog Hating-globo,[1][2][3] Timog Emisperyo o Timog Hating-Daigdig ay ang bahagi ng Daigdig na nasa timog ng ekwador. Ito rin ang kalahati ng esperong selestiyal na nasa timog ng ekwator na selestiyal. Ang Timog Hating-globo ang naglalaman ng lahat o mga kabahagi ng apat na mga kontinente[4] (Antarktika, Australia, karamihan sa mga bahagi ng Timog Amerika at katimugang hati ng Aprika), apat na mga karagatan (Timog Atlantiko, Indiyano, Timog Pasipiko, at Pangtimog na Karagatan) at ang karamihang bahagi ng Oseaniya. Ilang mga pulo na mula sa pangkontinenteng punong lupain ng Asya ay nakapaloob din sa Timog Hating-globo. Dahil sa pagkiling ng rotasyon o pag-inog ng Daigdig na kaugnay sa Araw at sa tapyas na ekliptiko, ang tag-araw ay magmula sa Disyembre hanggang sa Marso at ang taglamig ay magmula Hunyo hanggang Setyembre. Ang Setyembre 22 o 23 ay ang ekwinoks (panahon kapag ang araw at gabi ay magsinghaba) na pangtagsibol (bernal) at ang Marso 20 o 21 ay ang ekwinoks na pangtaglagas.
Ang ibabaw nito ay 80.9% tubig, kumpara sa 60.7% tubig sa Hilagang Hating-globo, at naglalaman ng 32.7% ng lupain ng Daigdig.[5] Higit sa 850 milyong katao ang nakatira sa Timog Hating-globo na kinakatawan ang mga 10–12% ng kabuuang populasyon ng tao sa mundo.[6][7] Sa 850 milyong tao na ito, higit sa 203 milyon ang nakatira sa Brasil, ang pinakamalaking bansa ayon sa lawak ng lupa sa Katimugang Hating-globo, habang higit sa 150 milyon ang naninirahan sa Java, ang pinakamataong pulo sa mundo. Indonesia ang pinakamataong bansa sa Timog Hating-globo, na may 275 million tao. Portuges ang pinakasasalitang wika sa Timog Hating-globo, na may higit sa 230 milyong nagsasalita sa anim na bansa – karamihan sa Brasil, subalit sinasalita din sa Angola, Mozambique, Silangang Timor, at maliit na bahagi ng Gineang Ekwatoriyal at São Tomé at Príncipe na nasa timog ng Ekwadorr.[8]