Ang kolonyalismo ay ang tuwirang pananakop ng isang bansa sa iba pa upang mapagsamantalahan ang yaman nito o makuha rito ang iba pang pangangailangan ng mananakop. Kinokontrol ng mananakop na bansa ang mga tao o lugar, kadalasang itinatatag ang mga kolonya,[1] na kadalasan para sa pagbubuting estratehiya at ekonomiko.[2] Ang kolonyalismo ay madalas na naihahalintulad sa imperyalismo ngunit ang dalawa ay mayroong pagkakaiba. Maaaring magsilbing baseng pangkalakal o pangmilitar ang kolonya.[3] Mayroon din itong gamit sa paglalakbay ng mga tao sa isang bayan. Walang malinaw na kahulugan ng kolonyalismo; maaring iba't iba ang depinisyon depende sa gamit at konteksto.[4][5]
Unang ginamit ang kolonyalismo bilang katawagang Romano upang isalarawan ang isang bukid, at sa kalaunan isang abansada (o outpost) o ang pinakamalaking uri ng lungsod Romano. Nabuo ang salita sa pagdaragdag ng -ismo na hulapi, at naikakabit sa iba't ibang mga pilosopiya at mga pang-estrukturang pagkaunawa ng kolonya.[6]
Bagaman mayroon nang kolonyalismo noon pang sinaunang panahon, malakas na naiuugnay ang konsepto sa panahong kolonyal sa Europa simula noong ika-15 dantaon nang nagtatag ang ilang mga estadong Europeo ng mga imperyong nagkokolonya. Noong una, sinunod ng mga nagkokolonyang Europeo ang mga polisiyang merkantalismo, na naglalayaong patatagin ang ekonomiya ng tahanang-bansa, kaya nirestrikto kadalasan ang mga kasunduan sa kolonya sa kalakalan lamang sa metropoli (o inang bansa). Sa kalagitnaan ng ika-19 na dantaon, tinalikdan ng Imperyong Britaniko ang merkantalismo at mga paghihigpit sa kalakalan at pinagtibay ang malayang kalakalan, na may iilang paghihigpit o mga taripa.
Naging aktibo ang mga misyonerong Kristiyano sa halos lahat ng mga kolonyang kontrolado ng mga taga-Europa dahil Kristiyano ang mga metropoli. Kinalkula ng mananalaysay na si Philip Hoffman na sa 1800, bago ang Rebolusyong Industriyal, kontrolado na ng mga Europeo ang hindi bababa sa 35% ng globo, at noong 1914, nakamit nila ang pagkontrol sa 84% ng globo.[7] Sa resulta ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, umurong ang mga kapangyarihang kolonyal sa pagitan ng 1945 at 1975; na noong panahon din na iyon, nakamit ang kalayaan ng halos lahat ng mga kolonya, na pinapasok ang binagong kolonyal, ang tinatawag na mga ugnayang poskolonyal at neokolonyalista.
Ang poskoloniyalismo a neokolonyalismo ay pinagpatuloy o nilipat ang mga relasyon at ideyolohiya ng kolonyalismo, na binibigay katuwiran ang pagpapatuloy ng konsepto nito tulad ng kaunlaran at bagong hangganan, gaya ng paggalugad ng kalawakan para sa kolonisasyon.