Ang kapistahan ng Todos los Santos[1], Araw ng Lahat ng mga Santo o Araw ng mga Santo, tinatawag na All Saints' Day, All Hallows o Hallowmas sa Ingles (ang katagang “hallows” ay “santo” at ang “mass” ay misa), ay ipinagdiriwang tuwing ika-1 ng Nobyembre o unang Linggo ng Pentekostes bilang paggunita sa lahat ng santo o banal, kilala o hindi. Ang ika-31 ng Oktubre naman ay tinatawag na Halloween sa Ingles, katumbas ng "Ang Bisperas ng Todos los Santos" o "Gabi ng Pangangaluluwa." Ang Todos los Santos ay isa ring pormulang Kristiyano na humuhingi ng tulong sa lahat ng santo at martir, kilala o hindi. Sa Pilipinas, palansak na tinatawag itong Araw ng mga Patay, Pista ng Patay, o Undas.[2]
Sa Iglesya Katolika Romana, ang Araw ng Todos los Santos ay parangal sa mga taong nakatamo ng beatipikong pananaw ng kalangitan habang ang sumunod na araw, ang ika-2 ng Nobyembre, ang Araw ng mga Kaluluwa ay paggunita sa lahat ng yumaong mananampalataya na hindi pa nadadalisay at nakararating sa langit.