![]() Isang mangkok ng kare-kare | |
Kurso | Ulam |
---|---|
Lugar | Pilipinas |
Ihain nang | Mainit |
Pangunahing Sangkap | Buntot ng baka, sarsang mani, mga gulay |
Baryasyon | Kare-kareng kambing |
|
Ang kare-kare (mula sa salitang "kari") ay isang lutuing Pilipino na nagtatampok ng malapot na sarsang mani. Sinasangkapan ito ng mga buntot, tuwalya, paa, at laman ng baka; mga pata, paa at laman ng baboy; at paminsan-minsan, ng lamanloob ng mga hayop.[1][2][3] Dinaragdagan din ito ng mga gulay gaya ng talong, petsay o iba pang dahon, labanos, sitaw, at okra. Nagpapalasa sa sarsa ang mga binusang giniling na mani o mantikilyang mani, sibuyas, at bawang. Binibigyang-kulay ito ng atsuwete at maaaring laputan sa paglalagay ng giniling na bigas.[4][5] Maaari ring gumawa ng kare-kare na gawa sa lamang dagat, tulad ng sugpo, pusit at tahong, o sa gulay lamang.
Kadalasang may bagoong kasama na pansawsawan. Paminsan-minsan, pinapaanghang ito ng sili o ginisang bagoong, at pinapatakan ng kalamansi. Mayroon ding mga baryante ng gawa sa kambing o (bihira) manok.